Pagninilay-nilay
Kailangan natin lahat ng patutunguhan. Ayaw nating mabulok sa isang sulok o di kaya’y mabagot kung saan man tayo inabutan ng kawalang kagagawan. Isa pa, kailangan din natin ng silibi sa buhay, isang katungkulan, mabuti man o hindi. Idagdag pa ang paghahanap ng makakasama, taong magpapaligaya. At kailangan din natin ng kasiguraduhan ng merong silbi, kahit paano, ang mga bagay bagay.
Pero ang di ko lubos na maunawaan, paano natin mapangyayari ang lahat ng ito gayong tao lamang tayo. Di ako naniniwala na makakamit natin ang anumang ating naisin kung pagsisikapan lang natin ng sobra at itutuon ang lahat ng ating atensyon para makapagpaganap ng mga bagay na ito. Nais ko din maunawaan kung bakit sadyang mapagbiro ang tadhana, kung may tadhana nga ba o wala o kung anuman. Kung sadyang magulo ang buhay at kaunti lang ang maari nating maintindihan sa lahat ng kaguluhang ito, kontento na rin akong malamang kung sino ako at para saan ang dahilan ko para mabuhay sa mundo.
Ayoko makarinig pa ng mga dahilang narinig ko na; madalas ay namumutawi ang sari’t saring mga dahilan at mga pakahulugan sa napakaraming tao at madalas ay di natin alam kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang paniniwalaan. Pero yun na rin ang malaking suliranin, ano ang katotohanan at ano ba ang wastong basehan ng paniniwala. Nakakapandaya ang ating mga nakikita at naririnig, di lang dahil may posibilidad na magsinunaling ang sinuman, ngunit dahil hindi rin natin masabi kung tayo nga ba ay nadadaya at nakakapandaya na rin. Isipin mo, kung mali para sa atin ang bumili ng nakaw at hindi natin matiyak kung nakaw ba ang isang bilihin o magnanakaw pala ang nagbebenta, edi ba mas lalong nakakatakot na isipin, kung maniniwala pala tayo o naniniwala na sa isang kasinungalingan at hindi rin natin alam kung sinungaling din pala yung pinanggalingan ng lahat? Nakakatuwang isipin na posible ang lahat ng iyan, hindi ba?
Paano nga ba tayo makakatiyak sa mga bagay bagay? Paano natin masasawata ang mga kasinungalingan? At paano tayo makakatakas sa ganitog predikamento kung sakaling ganun na nga ang kinahulugan ng ating buhay? Hindi ba’t nakakalumbay?